Matatapos na ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa 990 kilos na shabu na kanilang nasabat sa Maynila nitong Oktubre.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, nasa final stage na ang Special Investigation Task Group ng kanilang imbestigasyon at inaasahang maglalabas na ng report hinggil dito.
Sinabi ni Fajardo na sentro ng imbestigasyon ang pagkakahuli kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., na intelligence officer ng PNP-Drug Enforcement Group na isang ‘Ninja Cop’ at dati nang ipinatapon sa Mindanao.
Kanilang tututukuyin kung paano nakabalik sa drug unit si Mayo at kung sinong opisyal ang nagbalik sa kanya sa Maynila.
Kasama rin sa kanilang iniimbestigahan ang posibleng pagkakasangkot pa ng ibang opisyal ng PNP dahil sa dami ng mga shabu na nakumpiska sa nasabing operasyon.
Kasunod nito, tiniyak ng opisyal na magiging transparent ang PNP sa imbestigasyon at wala silang sisinuhin kahit ito pa ay kanilang kabaro.