Cauayan City, Isabela- Inaalam pa rin hanggang sa ngayon ng PNP Delfin Albano kung sino ang nasa likod sa pagsunog sa katawan ng isang lalaki na natagpuan sa tabi ng ricefield sa kahabaan ng Brgy. Carmen Sita, Delfin Albano, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt. Fresiel Dela Cruz, hepe ng PNP Delfin Albano, hindi pa nakikilala ang biktima na may taas na 5’3’’ at wala pang kumukuha sa bangkay nito na kasalukuyang nasa Charlie’s Funeral Care sa barangay San Antonio, Delfin Albano.
Ang tanging pagkakakilanlan nito ay ang buckle ng kabayo sa sinturon nito dahil hindi na rin ito makilala sa tindi ng pagkasunog.
Kanyang sinabi na posibleng pinatay muna ang biktima bago sinunog gamit ang mga goma ng sasakyan.
Wala din aniyang nakitang mga bakas ng dugo sa lugar kung saan sinunog ang biktima.
Kaugnay nito, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng kapulisan at inaalam pa kung mayroong CCTV sa lugar para sa mas madaliang pagresolba sa krimen.
Dagdag pa ng hepe, maaaring magtungo sa nasabing punerarya ang sinumang nawawalan ng kamag-anak o pamilya upang iberipika ang bangkay ng biktima.
Anumang araw ay ililibing na sa public cemetery ang bangkay ng biktima kung wala pang magclaim na kaanak o kapamilya.