Manila, Philippines – Inihain ni Senator Nancy Binay ang senate resolution number 326 na humihiling sa blue ribbon committee na imbestigahan ang alegasyon ng korapsyon laban sa aktor na si Cesar Montano.
Si Montano ang kasalukuyang chief operating officer ng Tourism Promotions Board o TPB.
Basehan ng hakbang ni Senator Binay ay base sa liham sa kanyang tanggapan mula sa mga empleyado ng tourism promotions board na nagdedetalye ng 24 na iregularidad na isinagawa ni Montano.
Pangunahin dito ang pagpasok ni Montano sa kontratang nagkakahalaga ng 11.2 million pesos sa isang concert na siya ay guest kasama ang kanyang mga pamangkin.
Kinuwestyon din ng mga empleyado ang pag-hire ni Montano ng sangkaterbang staff na kinabibilangan ng mga stuntman, hardinero, mga kaibigan at kamag-anak na may sweldong 14,000 hanggang 48,000 kada-buwan.
Kasama din sa reklamo ang pag-reimburse ni Montano sa kanyang mga personal na gastos sa kanyang mga vacation trip na dapat ay official business trips.
Iginigiit din ng mga empleyado na hindi akma si Montano sa kanyang posisyom dahil mahina ang level ng pang-unawa nito sa mga isinasagawang presentations, flow charts, at mga figures kaya madalas ay umaalis ito sa mga meetings kahit hindi pa tapos.