Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, maaaring gamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang executive privilege para hadlangan ang Presidential Security Group (PSG) na humarap sa gagawing pagdinig ng Senate Committee of the Whole.
Pero giit ni Drilon, hindi ito makapipigil sa Kongreso para gampanan ang kanilang tungkulin na mag-imbestiga in aid of legislation.
Paliwanag ni Drilon, may ibang mga paraan ang Kongreso para makakuha ng mga impormasyon para malinawan ang isyu sa iligal na pagpasok at paggamit sa bansa ng mga COVID-19 vaccine mula sa China.
Ayon kay Drilon, mahalaga ang pagdinig ng Senado para masolusyunan ang butas sa batas na nagbibigay ng otoridad sa Food and Drug Administration (FDA).
Layunin din nito na mahinto ang smuggling at pagkalat ng mga hindi awtorisadong bakuna sa bansa at para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan sa gagamiting mga bakuna kontra COVID-19.
Bukod sa pagbabakuna sa PSG members ay binanggit ni Drilon na hindi rin dapat balewalain ang report na 100,000 Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers ang nabakunahan na kahit hindi pa umuusad ang vaccination rollout ng gobyerno.