ACT-CIS Partylist sa Kamara, nag-alok ng pabuya sa makapagtuturo sa mga suspek sa Dacera rape-slay case

81

Nag-alok ang ACT-CIS Partylist sa Kamara ng pabuya para sa makapagtuturo sa siyam na iba pang suspek sa panghahalay at pagpatay sa flight attendant na si Christine Angelica Dacera.

Nitong tanghali ng Enero 1 ay natagpuang patay sa kanyang inuupahang kwarto sa isang hotel sa Makati ang biktima matapos magdiwang ng Bagong Taon ang mga katrabaho at mga kaibigan.


Mariing kinokondena ni ACT-CIS Rep. Eric Go Yap ang ginawang karumal-dumal at walang awang krimen sa isang flight attendant na hindi alintanang mga katrabaho at kaibigan niya pa ang gagawa ng karahasan sa kanya.

P100,000 pabuya naman ang ibibigay ng ACT-CIS sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga suspek.

Dodoblehin ng partylist ang reward money kung hindi mahuhuli ngayong linggo ang mga nagtatagong suspek.

Kasama sa pinaghahanap pa ng mga otoridad na suspek sa rape-slay case kay Dacera ay sina Gregorio Angelo De Guzman, Louie de Lima, Clark Jezreel Rapinan, Rey Englis, Mark Anthony Rosales, Jammyr Cunanan, Valentine Rosales, isang Ed Madrid at isa pang nagngangalang Paul.




Facebook Comments