Imbestigasyon ng Senado sa Sulu ‘misencounter’, isinulong ni Senator Pangilinan

Pinapa-imbestigahan ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Senado ang pagkapatay sa apat na sundalo ng mga pulis sa Jolo, Sulu nitong Lunes.

Diin ni Pangilinan, dapat magkaroon ng independent at impartial na imbestigasyon para malaman ang buong katotohanan sa pangyayari lalo’t magkaiba ang kwento ng mga sundalo at mga pulis.

Tiwala si Pangilinan na malaki ang maitutulong ng ikakasang independent investigation ng Senado para mabigyan ng hustisya ang mga biktimang sundalo at kanilang pamilya.


Nakakabahala ang insidente para kay Pangilinan dahil ipinapakita nito kung gaano kadali para sa mga pulis ang mamamaril nang hindi muna pinag-iisipang mabuti.

Ipinunto ni Pangilinan na kung kaya itong gawin ng mga pulis sa mga sundalo ay posibleng magawa rin nila ito sa mga odinaryong sibilyan na walang armas at walang kalaban-laban.

Facebook Comments