Pormal na hiniling ni Senator Manny Pacquiao ang imbestigasyon ng kinauukulang Komite sa Senado sa diumano’y maanomalyang disbursement ng pondong inilaan para sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa kanyang isinumiteng Senate Resolution No. 779, sinabi ni Pacquiao na kailangang busisiin ng Senado ang kuwestiyonableng alokasyon ng DSWD sa Starpay na isang di kilalang electronic money issuer ng mahigit P52 Bilyong pondo para sa ayuda ng pamahalaan.
Magugunitang bago umalis patungong Amerika para sa kanyang boxing fight ay ibinunyag ni Pacquiao na may 10.4-billion pesos na SAP fund ang hindi umano nakarating sa mga benepisaryo.
Sabi ni Pacquiao, 14-billion pesos n pondo ng SAP para sa 1.8-milyong benepisaryo ang ipinamahagi sa pamamagitan ng StarPay E-wallet.
Pero ayon kay Pacquiao, 500,000 lang sa mga benepisaryo ang nagdownload ng StarPay E-wallet kaya malinaw na sila lang ang nakatanggap ng ayuda.