Imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa maanomalyang sugar importation, sinimulan na ngayong araw

Umarangkada na ang pagdinig ng Senate Committee on Accountability of Public Officers and Investigations ngayong umaga kaugnay sa maanomalyang Sugar Order No. 4 na nag-i-import ng 300,000 metriko toneladang asukal sa bansa.

Humarap sa Blue Ribbon Committee hearing si Executive Secretary Victor Rodriguez kung saan idinetalye nito ang nangyaring iregularidad sa sugar importation hanggang sa humantong na sa pagbibitiw ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Binigyang diin ni Rodriguez na walang inaprubahan ang SO4 na mahahalagang dokumento at hindi dumaan sa tamang proseso.


Aniya, inilabas ang SO4 na walang import plan, walang nalalaman ang kalihim ng Department of Agriculture (DA) na si Pangulong Bongbong Marcos Jr., at hindi man lang nag-convene ang SRA board.

Ipinunto pa ni Rodriguez sa pagdinig na walang mas mahalaga ngayon kundi ang pagtiyak sa ‘food security’ ng bansa, availability nito sa mga ordinaryong Pilipino, at siguruhing makakamit ang layunin na walang Pilipinong magugutom.

Sa opening statement naman ni Senate President Migz Zubiri, umaasa siyang sa ginagawang pagbusisi ng Blue Ribbon ay magiging daan ito upang hindi na maulit ang iregularidad sa sugar importation.

Hangad din ng senador na mas maging maayos na ang importation program ng ahensya na hindi natatapakan at hindi naisasantabi ang pangangailangan ng mga magsasaka.

Facebook Comments