Imbestigasyon ng umano’y human trafficking ng mga Pinoy sa Myanmar, iniutos ng DOJ

Pinaiimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang napaulat na human trafficking ng mga Pilipino na ginagawang crypto scammer sa Myanmar.

Ayon kay Justice Secretary Jesus “Crispin” Remulla, gagawing starting point ng imbestigasyon ang mga naisiwalat sa pagdinig ng Senado na iniugnay aniya sa isang modus operandi.

Matatandaang sinabi ni Senador Risa Hontiveros na may panibagong modus sa pagpapaalis sa mga biktima ng human trafficking, at tinawag pa nga itong pastillas part two, dahil sangkot umano ang ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at airport o terminal personnel.


Giit ni Remulla, dapat malaman ang katotohanan at kahit sino pa ang sabit ay kailangang mapanagot sa batas.

Facebook Comments