Malugod na tinanggap ng Human Rights Watch (HRW), National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at ng Philippine Universal Periodic Review (UPR) watch ang desisyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang mga pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga.
Ayon kay HRW Deputy Geneva Director Laila Matar – senyales na ito na may mananagot para sa libu-libong ‘drug war’ related killings at iba pang pang-abuso.
Magbibigay din ito ng pag-asa sa mga survivor at pamilya ng mga biktima.
Dagdag pa ni Matar – determinado ang ibang bansa na tugunan ang human rights crisis sa Pilipinas.
Ang hamon na lamang ngayon ay matiyak na umuusad ang proseso at atasan ang gobyerno na ihinto ang mga pagpatay at panagutin ang mga responsible.
Para sa NUPL at Philippine UPR Watch, ang desisyon ay maituturing na tagumpay para sa paghahanap ng hustisya.
Sa datos ng PNP ay nasa higit 6,000 drug suspects ang nasawi dahil nanlaban sa police operations mula July 1, 2016 hanggang May 31, 2019.
Pero iginigiit ng mga human rights groups na nasa 27,000 ang namatay sa drug war.