Pinapaimbestigahan ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Representative Bernadette Herrera ang aniya’y palpak at napakabagal na implementasyon ng Philippine Identification System o PhilSys na naisabatas noon pang 2018.
Sa inihaing House Resolution 471, ay sinabi ni Herrera na dapat magpaliwanag ang mga ahensyang nangangasiwa sa proyekto na kinabibilangan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA).
Mungkahi pa ni Herrera, palitan din ang namumuno sa PSA dahil sa kabiguang maipatupad ng maayos at mabilis ang National ID system na nakatulong sana ng malaki para mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Magugunitang sa kasagsagan ng pandemya noong 2020, ay ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang implementasyon ng PhilSys para mabilis matukoy ang pinakamahihirap na pamilya na kailangang bigyan ng ayuda habang may umiiral na mga lockdown.
Inatasan ang BSP na gumawa at maghatid ng 116-million pre-personalized ID’s mula 2021 hanggang 2023 pero hanggang ngayon hindi pa ito nakukumpleto.
Lalo pang nadismaya si Herrera na bukod sa delay ay mayroong mga ID cards ang mali-mali ang personal information na nakasaad, malabo ang larawan at sa loob lamang ng tatlong buwan, ang iba ay hindi na mabasa dahil na mabura na ang nakasulat.