Ginigisa na ng Malakanyang ang mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) Board at Department of Agriculture (DA) kasunod ng iligal na pagpapalabas ng resolusyon para sa pag-aangkat ng 300,000 metrikong tonelada ng asukal.
Matatandaang kahapon ay inihayag ng Malakanyang na ilegal ang nasabing resolusyon dahil wala itong otorisasyon mula sa chairman ng board, na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, sa ngayon ay hindi pa masasabi ng palasyo kung gaano katagal ang gugulin para matapos ang imbestigasyon pero kung magiging mabilis aniya ito ay asahan na, na magkakarooon ng mga kapalit sa mga mataas na pwesto sa SRA at DA.
Hindi rin aniya kumbinsido si Angeles na nagkaroon ng miscommunication sa ibinabang direktiba kamakailan ni Executive Secretary Victor Rodriguez.
Giit ni Angeles, malinaw ang utos ni Rodriguez sa DA at SRA na maglatag ng importation plan, upang malaman kung ano ang magiging epekto ng pag-aangkat sa panahon ng tag-ani sa Setyembre.