Imbestigasyon sa kaso ng pinaslang na si Calbayog City Mayor Ronald Aquino, iginiit ng isang kongresista na ipaubaya na lamang sa NBI

Umapela si Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento sa Philippine National Police (PNP) na i-turn over sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa ambush-slay case ni Calbayog City Mayor Ronald Aquino at sa tatlong bodyguards nito.

Ayon kay Sarmiento, batay sa mga reports ay sangkot sa pag-atake at pamamaslang sa alkalde ang ilang pulis.

Dahil dito, mas mainam aniyang ipaubaya sa NBI ang imbestigasyon upang maiwasan ang ‘white wash’ sa kaso.


Giit ng kongresista, ang pagkakasangkot ng ilang police personnel sa kaso ay sapat na dapat na dahilan para mag-inhibit ang PNP sa imbestigasyon.

Aminado si Sarmiento na hindi na sikreto na notoryus sa kanilang probinsya sa Samar ang mga private armed groups (PAGs) kung saan ilan sa mga myembro nito ay kabilang sa Pambansang Pulisya.

Nito lamang Lunes ng gabi ay tinambangan at pinagbabaril hanggang sa mamatay si Aquino at ang tatalong bodyguards nito sa Barangay Lonoy, Calbayog habang papunta sana sa kaarawan ng kanyang anak.

Facebook Comments