Imbestigasyon sa kontrobersyal na lotto draw, ikinakasa na sa Mababang Kapulungan

Ikinakasa na ng House Committee on Games and Amusements ang imbestigasyon sa kontrobersyal na 6/55 grand lotto draw kung saan umabot sa 433 ang nanalo ng ₱236 million jackpot prize nitong October 1.

Ang gagawing pagdinig ng Kamara ay alinsunod sa House Resolution No. 463 na inihain ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan.

Paliwanag ni Libanan, kailangang proteksyunan ng Kongreso ang integridad ng lotto draws na pinamamahalaan ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.


Sabi ni Libanan, ito ay dahil malaki ang nai-aambag nito sa kaban ng bayan at sa pagpopondo sa mga programang pangkalusugan ng pamahalaan lalo na sa pagbibigay ng medical assistance at serbisyo sa mga mahihirap na Pilipino.

Diin ni Libanan, kailangan ding ingatan ang pag-asa at pangarap ng milyon-milyong mga Pilipino na matyagang tumatangkilik sa lotto araw-araw.

Bukod dito ay iginiit ni Libanan na ang operasyon ng Lotto ay nagbibigay rin ng oportunidad at kabuhayan sa maliliit na lotto agents, tellers, terminal technicians at iba pa.

Facebook Comments