Imbestigasyon sa land title ng ABS-CBN compound, ipinagpaliban muna

Ipinagpaliban muna ng House Committee on Justice ang dapat sana’y imbestigasyon ng komite laban sa land title ng ABS-CBN compound sa Mother Ignacia, Quezon City.

Ayon kay Justice Committee Chairman Vicente Veloso, ang naturang postponement ay kasunod na rin ng abiso ng house leadership.

Paliwanag ng Kongresista, nais muna ng liderato na maisara o matapos ang imbestigasyon ng Joint Committee on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability bago magsagawa ng pagsisiyasat sa iba pang isyu na umusbong mula dito.


Ang naturang imbestigasyon ay itinutulak ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta kasunod ng naging serye ng pagdinig ng Committee on Legislative Franchises sa prangkisa ng naturang network.

Naunang hinamon ni Marcoleta na dapat mapatunayan ng ABS-CBN ang legalidad ng titulo ng 4.4 hectares na lawak ng ABS-CBN compound.

Matatandaang nagbabala rin ito na kung walang orihinal na titulo o ebidensya na maipakita ang network ay posibleng kunin at i-take over ng pamahalaan ang compound nito.

Facebook Comments