Imbestigasyon sa learning module na nagpapakita ng gusgusing pamilya ng magsasaka, ikinakasa na ng DepEd

Nangako si Education Secretary Leonor Briones na iimbestigahan ang learning modules na nagpapakita ng larawan ng isang pamilya ng magsasaka na ang mga damit ay butas-butas at tagpi-tagpi habang ang isang bata ay walang damit bagama’t sila ay nakangiti.

Binigyang diin ni Briones na hindi nila kinokunsinte ang ganitong stereotyping kaya tiyak na mapaparusahan ang matutukoy na nasa likod nito.

Ang pahayag ni Brioners ay binasa ni Senator Pia Cayetano sa budget deliberation ng Senado makaraang kwestyunin ni Senator Grace Poe kung sino ang nagpapasya sa nilalaman ng mga learning modules at paano nakalusot ang mababang kalidad nito.


Giit naman ni Senator Kiko Pangilinan, nakakasakit ang nabanggit na pagsasalarawan sa mga magsasaka sa halip na bigyan sila ng positibong pagkilala dahil sa laki ng kanilang ambag sa lipunan.

Nauunawaan ni Pangilinan, na karamihan sa mga magsasaka ay mahihirap pero mali na ituro sa mga bata ang mababang pagtingin sa kanila.

Bukod dito ay inungkat din ni Senator Poe ang school exam ng mga guro sa Occidental Mindoro kung saan inilarawan ang isang showbiz personality na obese.

Mungkahi ni Poe, isailalim sa sensitivity trainings ang mga guro at tiyakin na hindi magsusulong ng diskriminasyon, panghuhusga at paglabag sa karapatan at pagiging disente ang mga educational materials.

Facebook Comments