Sinimulan na ng House Committee on Agriculture at Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle ang imbestigasyon kaugnay sa naging epekto at malawakang pagbaha sa Cagayan, Isabela, Metro Manila at sa iba pang lugar noong Bagyong Ulysses.
Sa presentasyon ng National Irrigation Administration (NIA), dumipensa si NIA Administrator Ricardo Visaya at sinabi na mula 2006 ay may protocol na silang sinusunod sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.
Sa ilalim aniya ng 2006 Memorandum mula sa Malacanang, malinaw na nakasaad dito na ang PAGASA ang magdedesisyon sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam at hindi mga ground managers.
Ang release ng tubig aniya ay ibabatay ng PAGASA sa kanilang weather forecast upang pasok ito sa absorptive capacity ng Cagayan River.
Iginiit pa ni Visaya na mayroong koordinasyon ang NIA kaya hindi pwedeng sabihin ng mga Local Government Unit (LGU) na wala silang alam dito dahil may mga dokumento na susuporta para rito.
Depensa pa ni Visaya na nire-regulate ang pagpapakawala ng tubig na ginawa sa Magat Dam at hindi sa kalagitnaan ng bagyo ay saka nagpakawala ng tubig.
Paliwanag pa ni Visaya na hindi rin ang Magat Dam ang major cause ng pagbaha sa Cagayan at Isabela dahil maaaring dahilan din dito ang talamak na illegal logging, illegal mining at illegal quarrying sa lalawigan.