Sisimulan na sa susunod na linggo ang imbestigasyon ng Kamara kaugnay sa malawakang pagbaha at ang iresponsableng pagbubukas ng mga dams na nagpalubog sa maraming lugar sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Committee on Agriculture and Food Chairman Wilfrido Mark Enverga, sa Martes na nila uumpisahan ang imbestigasyon sa matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela gayundin ang pagpapakawala ng tubig sa mga dam at iregular na aktibidad sa Marikina watershed na itinuturong dahilan ng paglubog ng ilang lungsod sa Metro Manila at kalapit na probinsya.
Umaasa si Enverga na bago ang Christmas break ng Kongreso ay magkaroon na ng kalinawan ang imbestigasyon sa nangyaring trahedya sa gitna ng malakas na bagyo.
Tiniyak ni Enverga na papanagutin kung sinuman ang responsable sa nangyaring malawakang pagbaha na ikinasawi ng 67 katao at ikinasira ng maraming ari-arian at kabuhayan.
Nais umano nilang makuha sa gagawing pagsisiyasat ang kumpletong detalye sa nangyaring pagbaha dahil magkakaiba ang pahayag ng mga LGUs at ng National Irrigation Administration (NIA).
Matatandaang naghain ng resolusyon para imbestigahan ang malawakang pagbaha sa gitna ng Bagyong Ulysses sina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Stephen Paduano at hiwalay na resolution naman si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera.