Manila, Philippines – Binabalangkas na ni Senator Risa Hontiveros ang resolusyon na magsusulong ng imbestigasyon sa serye ng pagpatay sa mga volunteer doctors sa programa ng gobyerno na Doctor to the Barrios.
Ang hakbang ni Hontiveros ay makaraang isa na namang doktor ang paslangin na nakilalang si Dr. Sajid “Jaja” Sinolinding, na naglilingkod sa mga mahihirap na residente ng Cotabato City.
Bago ito ay naunang pinaslang si Dr. Dreyfuss Perlas, na isa namang volunteer doctor sa Sapad, Lanao del Norte.
Itinuturing ni Hontiveros na “crime against the people” at hindi isang isolated incident lang ang pagpatay sa mga volunteer doctor sa kanayunan.
Ayon kay Hontiveros, ang kultura ng pagpatay na umiiral ngayon sa ilalim ng Duterte administration ay nagiging banta na sa serbisyong medikal para sa mga malalayong komunidad sa mga lalawigan.
Ikinalulungkot ni Hontiveros na konti na nga lang ang mga nagboboluntaryong doktor sa mga baryo, ay pinapaslang pa.
Bunsod nito ay iginiit ni Hontiveros sa mga otoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyong at tiyaking mapapanagot sa batas ang mga salarin.
Nation