Imbestigasyon sa mga reklamo ukol sa balikbayan box ng mga OFW, isinulong sa Kamara

Pinapa-imbestigahan ni OFW Party-list Rep. Marissa del Mar Magsino sa Kamara ang mga isyu at reklamo ukol sa balikbayan box ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) at Overseas Filipinos.

Sa inihaing House Resolution 499 ay tinukoy ni Magsino ang mga napaulat na panlilinlang o modus ng ilang international freight forwarders at kanilang local counterparts sa mga Pinoy sa abroad na magpapadala sana ng balikbayan boxes.

Binanggit ni Magsino na binubutas, nawawala o nananakaw ang padalang balikbayan box ng ating mga kababayan o kaya ay sobrang delayed ang delivery nito.


Batid ni Magsino na kumikilos na ang Bureau of Customs na nangakong ipapadala ng libre ang mga natenggang balikbayan boxes.

Paliwanag ni Magsino, sa gagawing pagdinig ng Kamara ay inaasahang matutumbok ang ugat ng mga reklamo para mapanagot ang mga responsable.

Dagdag pa ni Magsino, base sa magiging resulta ng pagdinig ay maaring maglatag ang Kongreso ng mga paraan upang mapigilan ang anumang ilegal na aktibidad na bumibiktima sa mga Pilipino sa ibang bansa at sa pamilya nila.

Facebook Comments