Imbestigasyon sa OCTA Research team, tiniyak na hindi mauuwi sa pagpapahinto ng organisasyon

Pinawi ng ilang mga kongresista ang pangamba sa intensyon ng pagpapaimbestiga ng Kamara sa OCTA Research Philippines.

Sa virtual presscon ng Kamara, mariing itinanggi ni Quezon City Rep. Bong Suntay ang duda ng ilang grupo na isang “witch hunt” o kampanya laban sa OCTA Research team ang gagawing pagsisiyasat ng mga kongresista.

May nakuha rin aniya siyang impormasyon na isa sa mga kasamahan ng OCTA Research team ang nagtatanong kung sila ba ay matutulad sa imbestigasyon sa ABS-CBN.


Nilinaw ng kongresista na walang intensyon ang “congressional probe” na i-shut down o ipahinto ang OCTA at hindi ito gagawing siraan sa gitna ng paglaban ng bansa sa COVID-19.

Sa panig naman ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera-Dy, kaniyang tiniyak sa OCTA Research team na walang dapat ipag-alala sa imbestigasyon dahil nais lamang nila na mas maunawaan ang mga ginagamit na methodology ng grupo na naglalabas ng projections at babala laban sa pandemya.

Sina Suntay, Dy, at tatlong iba pang mambabatas ang naghain ng House Resolution 2075 na nag-aatas sa Committee on Good Government and Public Accountability na silipin ang qualifications, background at methodologies na ginagamit ng OCTA Research team.

Facebook Comments