Kinalampag ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Representative Carlos Zarate ang liderato ng Kamara na ipagpatuloy ang imbestigasyon noong nakaraang taon patungkol sa overcharging ng Meralco.
Tinukoy ni Zarate na ginawa ang pagsisiyasat noon sa ilalim pa ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco bilang dating Chairman ng Committee on Energy.
Ang imbestigasyon ay patungkol sa biglang spike o pagtaas ng singil sa kuryente kahit mababa ang energy usage sa kasagsagan ng lockdown kung saan maraming mga consumers ang nagreklamo na hindi sila nakauwi ng ilang buwan sa kanilang mga bahay at maraming negosyo ang nagsara.
Nanawagan si Zarate kay Energy Committee Chairman na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo na ituloy ang pagsisiyasat dahil matagal nang nahihirapan ang mga consumers.
Kung mayroon aniyang overcharges ay dapat irekomenda ang agad na pagre-refund ng sobrang singil sa mga consumers habang gumagawa naman ng lehislasyon ang kapulungan para maiwasan na ang kahalintulad na sobra-sobrang singil.
Ipinunto pa ng mambabatas na mas direktang matutulungan ng refund sa overcharging ang mga Pilipino sa halip na ipilit ang pagsusulong ng charter change na maaaring makasama sa economic policies ng bansa.