Imbestigasyon sa pagkamatay ng high-profile inmates sa Bilibid, hindi na kailangang iprayoridad ng Senado

Walang nakikitang foul play at mabigat na rason sina Senators Panfilo Ping Lacson at Ronald Bato dela Rosa para iprayoridad ng Senado na imbestigahan ang pagkamatay ng ilang high-profile inmates tulad ni Jaybee Sebastian dahil sa COVID-19.

Ayon kay Lacson, mas maraming importanteng bagay na dapat tutukan ang Senado sa halip na pagkaabalahan na busisiin ang pagkamatay sa COVID 19 ng mga drug convicts na hindi naman nagsisisi sa kanilang naging kasalanan at sa halip ay nagpatuloy pa sa kanilang drug operations sa loob ng bilangguan.

Sang-ayon din si Lacson na maaaring itago ng pamunuan ng New Bilibid Prison at ng Bureau of Corrections ang pagkakakilanlan ng mga bilanggo na namatay dahil sa COVID 19.


Paliwanag ni Lacson, ang pagkamatay sa COVID 19 ng mga preso ay maaring magdulot ng diskriminasyon at stigma sa kanilang pamilya.

Kumbinsido naman si Senator dela Rosa na walang kahina-hinala kung nasawi sa COVID-19 ang ilang high-profile inmates sa Bilibid dahil walang sinasanto ang virus at sa katunayan, pati aniya ang British prime minister ay tinamaan nito.

Facebook Comments