Imbestigasyon sa Pamamaril sa Band Manager sa Isabela, Nagpapatuloy

Cauayan City, Isabela- Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng San Mateo Police Station kaugnay sa nangyaring pamamaril sa isang band manager sa brgy. Sinamar Norte, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PEMSg Larimar Paguirigan, chief investigator ng San Mateo Police Station, kanyang sinabi na patuloy ang kanilang pagkalap ng kopya ng mga CCTV footages sa mga posibleng dinaanan ng riding in tandem na suspek.

Tinitignan din aniya ng pulisya ang lahat ng mga posibleng anggulo at motibo sa pagpaslang sa biktimang si Nestor Quibuyen, manager ng Quibuyen Band at residente rin ng barangay Sinamar Norte.


Matatandaang Linggo ng hapon, September 5, 2021, kasalukuyang naghahanda ng kanilang rehearsal ang biktima nang bigla itong pinagbabaril ng di pa nakikilalang gunman gamit ang Caliber 45 na baril at sila’y tumakas matapos ang krimen.

Ayon sa imbestigador, nagtamo ng apat (4) na tama ng bala sa katawan ang biktima at naisugod pa ito sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng umasikasong Doktor.

Kaugnay nito, nananawagan ang himpilan ng pulisya sa mga residente ng San Mateo na makipagtulungan sa imbestigasyon ng kapulisan para sa ikareresolba ng naturang krimen.

Facebook Comments