Imbestigasyon sa plane crash sa Patikul, Sulu, pinamamadali

Hiniling ni National Defense and Security Committee Vice Chairman Ruffy Biazon sa pamahalaan na madaliin ang imbestigasyon sa sanhi ng plane crash sa Patikul, Jolo, Sulu na ikinasawi ng 50 sa mga military personnel at crew.

Ayon kay Biazon, ang pagbagsak ng Philippine Air Force C-130 plane ay malaki ang epekto sa kakayahan at moral ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas lalo pa’t dalawang linggo pa lamang ang nakalilipas ay bumagsak din ang bagong biling Black Hawk helicopter na ikinamatay naman ng anim na officers at crew.

Dahil aniya sa magkakasunod na insidenteng ito, lalong dapat na doblehin ang pagmamadali na masiyasat at malaman kung ano ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano, ito man ay human error, equipment failure, o weather disturbance.


Paliwanag pa ni Biazon, dahil newly acquired ang mga kagamitan na ito at sakaling equipment failure ang sanhi ng aksidente, makukwestyon ang kalidad ng mga assets na nabili o ang maintenance capability ng unit na responsable rito.

Sakali namang crew error ang ugat ng aksidente, ipinare-review naman ang mga pagsasanay at kahandaan ng mga personnel.

Hinimok naman ni Biazon ang sambayanan na makidalamhati para sa mga sundalong nasawi na anumang pangyayari ay handang magbuwis ng buhay para sa bansa.

Facebook Comments