Inihayag ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority o MARINA na halos patapos na ang kanilang imbestigasyon hinggil sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa isang bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank kamakailan.
Ayon kay PCG Spokesperson Captain Armand Balilo, na nalalapit nang matapos ang kanilang malalimang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.
Paliwanag ni Balilo, sa ngayon aniya ay may kaunti lamang na inaayos ang PCG at MARINA, bago nila isumite ang resulta ng imbestigasyon sa Malakanyang at maisapubliko ito.
Idinagdag pa ni Balilo na kabilang sa binigyang-atensyon sa pagsisiyasat ng PCG at MARINA ay ang mga testimonya ng 22 mangingisda na sakay ng F/B Gem-Ver 1, nang mangyari ang pagbangga ng isang sea vessel ng China.
Nauna nang sinabi ng Palasyo na hihintayin muna ng gobyerno ang resulta ng imbestigasyon ng mga kinaukulang ahensya, maging ang pagsisiyasat ng China, bago maglabas ng anumang desisyon hinggil sa insidente.