Imbestigasyon sa sinasabing iligal na pagkuha ng ‘Cabral’ files ni Rep. Leviste, nais paimbestigahan ng digital advocate na Digital Pinoys

Nais ngayon ng network ng digital advocates na Digital Pinoys na maimbestigahan ang umano’y hindi otorisadong pag-access ng files at pagkuha ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ng mga dokumento mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ni Digital Pinoys National Campaigner Ronald Gustillo, seryoso at malakong usapin ang mga lumabas na balitang sapilitan umanong pagkopya at pagkuha ng kongresista ng mga dokumento mula sa tanggapan ng dating DPWH Usec. Catalina Cabral.

Paliwanag niya, may umiiral na lehitimong mekanismo para sa whistleblowing at oversight para matiyak na mananatiling credible ang ano mang ebidensya.

Dahil sa ginawa ni Leviste, ang integridad ng impormasyong nakuha na gagamiting ebidensiya ay posibleng hindi papasa sa legal proceedings.

Binigyang-diin din niya na ang pagsusulong ng transparency at accountability ay dapat laging naaayon sa batas, due process at digital governance.

Kung maalala una nang sinabi ni Leviste na may basbas si DPWH Sec. Vince Dizon sa pagkuha niya ng files sa opisina ni Cabral pero mariin itong itinanggi ng kalihim ng DPWH.

Facebook Comments