Tinapos na ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig kaugnay sa iligal na Sugar Importation Order o ang hindi otorisadong pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Si Senate President Juan Miguel Zubiri ang nagmosyon na i-terminate o tapusin na ang imbestigasyon matapos na humarap din sa pagdinig si Executive Secretary Victor Rodriguez.
Kaugnay rito ay sinabi ni Zubiri na tipunin na ang findings ng imbestigasyon at magsampa na ng kaukulang kaso sa korte ang mga kinakitaan ng paglabag sa Sugar Order No. 4.
Sinang-ayunan din ni Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ang termination ng imbestigasyon lalo na kung wala naman nang itatanong ang mga senador kay Rodriguez.
Sa naging takbo ng mga pagtatanong kanina kay Rodriguez ay mariin nitong itinatanggi na may utos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mag-import ng 600,000 metriko toneladang asukal.
Nag-ugat ito sa binanggit ni dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica, na sa online meeting noong August 4, 2022 ay naitanong aniya ni Pangulong Marcos kung may pangangailangan na mag-angkat ng 600,000 MT na asukal.
Agad na pinabulaanan ito ni Rodriguez at sinabing walang katotohanan na kay Pangulong Marcos nanggaling ang amount o dami ng asukal na iaangkat at hindi rin Zoom kundi personal silang nagpulong ni Serafica.
Nagtataka naman si Senator Francis Tolentino, Chairman ng komite, na kung bakit ngayon lang binanggit ang 600,000 MT na asukal gayong ilang beses nilang kinulit si Serafica na idetalye ang nilalaman ng pulong bago inisyu ang SO4.
Maging si United Sugar Producers Federation (UNIFED) President Manuel Lamata ay tahasang sinabing nagsisinungaling si Serafica.