Pinamamadali na ni Deputy Speaker Lito Atienza ang Mababang Kapulungan sa pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pagbasura sa 1989 UP-DND Accord.
Ayon kay Atienza, dapat na humarap at magpaliwanag si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa ginawa nitong unilateral termination sa kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines (UP) kung saan kinakailangan muna ang pahintulot sa school administration bago payagang makapasok ang state forces sa loob ng campus.
Iginiit ng mambabatas na dapat magpaliwanag si Lorenzana sa kaniyang pasya at kung ano ang naging batayan nito para solong desisyunan ang paglusaw sa accord na wala man lamang konsultasyon sa pamunuan ng UP.
Iginiit ng kongresista na kung may lumalabag man sa batas ay maaari namang kumilos ang mga otoridad na hindi naman inilalagay sa bad light o binabantaan ang buong student body.
Ipinunto pa ni Atienza na mayroon namang sapat na intelligence funds ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at hindi kailangang sirain ang maayos na relasyon sa UP.
Kaugnay dito ay suportado ni Atienza ang inihaing House Resolution 1490 ni Albay Rep. Edcel Lagman kung saan inaatasan ang Committee on Human Rights (CHR) na agad magsagawa ng pagsisiyasat ‘in aid of legislation’ sa pagbuwag sa UP-DND Accord.