Imbitasyon ng Senado sa mga gabinete, bibigyang basbas muna ni PRRD

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng gabinete na iniimbitahan sa mga pagdinig ng Senado na idaan muna sa kaniya ang imbitasyon.

Sa taped ‘Talk to the People’ ng pangulo, sinabi nito na siya ang magdedesisyon kung papayagan niya o hindi na dumalo sa pagdinig ang mga miyembro ng gabinete.

Katwiran ng punong ehekutibo, napakadaming iniimbitahang cabinet members sa Senado pero hindi naman lahat ay naisasalang sa pagtatanong.


Karamihan aniya sa mga ito ay nakatengga lang at nagiging dahilan ng pagka-antala ng kanilang trabaho.

Giit ng pangulo, kapag napansin niyang pabalik-balik lang ang iniimbitahang cabinet members at layunin lamang na pahabain ng pagdinig lalo ngayong nalalapit na ang eleksyon ay pagbabawalan niya itong dumalo sa Senado.

Kapag na cite for contempt ang opisyal, kargo niya ito dahil siya ang nag-utos na huwag itong padaluhin.

Naniniwala ang pangulo na bilang presidente ng bansa ay pwede niya itong gawin.

Facebook Comments