Imee Marcos, ilang taon daw iniwasan ang pagiging senador; ginanahan nang mahalal si Duterte

via Facebook / Imee Marcos

Sa flag-raising ceremony para sa unang araw sa Senado, Lunes, ibinahagi ni Senator Imee Marcos ang umano’y ilang taon niyang pag-iwas sa pagiging senador.

“Sa pagkahaba-haba ng panahon, napunta na rin ako sa Senado ngayong umaga. Ang totoo, higit na sa isang dekada o dalawang dekada na naghahanap ako ng dahilan, iniiwasan, pinagtataguan ang araw na ito, sapagkat sa isipan ko, ayokong maging senador,” ani Marcos.

“Dose anyos na ako sa Kongreso, hanggang bumalik na naman sa probinsya, paikot-ikot, iniiwasan ang Senado,” dagdag niya.


Ikinuwento ng senadora ang naging turan sa kanya ng ama, late President Ferdinand Marcos, tungkol sa pagiging senador, na naging dahilan kung bakit siya napaisip sa posisyon.

Aniya nang tanungin niya ito kung bakit palaging nagta-trabaho, sumagot daw ang ama na ‘hindi nagta-trabaho ang mga senador’; “I’m a senator, we don’t go to work. We conspire to be President and we play golf. We conspire with the President.”

Matapos ang seremonya, sinabi ni Marcos sa isang panayam na nililigawan na siyang tumakbo sa pagka-senador mula pa noong 2003.

Ngunit hindi raw siya kumbinsido at sinabing masaya na siya sa Kongreso noon.

Pero nang mahalal aniya si Pangulong Rodrigo Duterte, nagbago ang isip ng baguhang senador.

“…gusto ko na ring maging senador kasi maraming pagbabago, maraming kinakailangang batas, at parang ‘yung transformation ng ating lipunan e biglang naging excitig kaya ngayon ganado na ako,” ani Marcos.

Sa speech ng senador, nakiusap din siya sa Senado na ipasa ang mga panukalang isusulong niya.

Tiwala rin daw si Marcos na matutuldukan ang kahirapan sa bansa sa susunod na 10 taon.

Facebook Comments