IMINUNGKAHI | Independent group para sa proteksyon ng media, isinulong ni Sen. Poe

Manila, Philippines – Isinulong ni Committee on Public Information and Mass Media Chairperson Senator Grace Poe ang paglikha ng independent group na titiyak sa proteksyon ng mga mamamahayag mula sa kaharasan at panggigipit.

Iginiit din ni Senator Poe sa pamahalaan na maglaan ng hotline na pagsusumbungan ng media ng mga kaso ng pagpatay at panggigipit na may kaugnayan sa kanilang propesyon.

Inihain din ni Senator Poe ang Senate Resolution Number 820 na nagtatakda ng hazard pay at insurance sa mga mamamahayag.


Ang mga hakbang ng senadora ay makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na ang Pilipinas ang ikalawa sa pinakadelikadong lugar sa buong mundo para sa mga media practitioners.

Ikinadismaya din ni Senator Poe na walang pondo ang binuong Presidential Task Force on Media Security kaya pinapahingi niya ito ng budget mula sa Presidential Communications Operations Office o PCOO.

Naniniwala din si Poe na dapat ay magkaroon ng kinatawan mula sa academe at media ang nabanggit na task force na ngayon ay binubuo lang ng mga taga-gobyerno.

Facebook Comments