Manila, Philippines – Iminungkahi ni AKO BICOL Rep. Rodel Batocabe na ipadeklarang vacant ang posisyon sa Minority Leader.
Ito ay para maresolba agad ang agawan sa posisyon sa Minorya sa pagitan nila Quezon Rep. Danilo Suarez, Marikina Rep. Miro Quimbo, Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas at ang Makabayan Bloc.
Ayon kay Batocabe, kapag naideklarang bakante ang pagka minority leader, saka naman dapat magbotohan ang mga kongresistang hindi bomoto para kay Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para sila ang bubuo na ng Minority Bloc at pipili ng kanilang bagong lider.
Iginiit naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ang mga bumoto pabor kay Speaker GMA ay kasapi na sa majority bloc na siyang malinaw na nakasaad sa rules ng Kamara.
Umaasa si Barbers na mabilis na mareresolba ang isyu dahil kung hindi ay tiyak na maaantala ang kanilang trabaho sa Kongreso.
Iginiit naman ni Batocabe na hanggat maaari naman ay hindi na dapat pang palitan si Suarez bilang Minority Leader dahil hindi naman ito nadamay sa botohan sa pagpapalit ng Speaker.