Immigration Commissioner Morente hindi ligtas sa isyu ng “Pastillas Scheme” kahit pa malapit na kaibigan ni PRRD

Inihayag ng Malakanyang na hindi ligtas si Bureau of Immigration (BI) Chief Jaime Morente sa pagkakasibak matapos mabunyag ang ‘pastillas scheme’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kahit pa malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Morente ay hindi ito makakalusot sa pananagutan kapag napatunayang may ginawang iligal.

Binigyan-diin ni Panelo na walang sinuman sa kanilang mga gabinete ang ligtas kapag hindi ginawa ng maayos ang trabaho lalo na kapag napatunayang sangkot sa katiwalian na ayaw na ayaw ng Pangulo.


Una nang inanunsyo kahapon ng Palasyo ang pagsibak sa mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa nasabing anomalya.

Matatandaang lumabas sa pagdinig ng Senado kamakailan na diumano, ang mga Chinese national na pawang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers ay binibigyan ng special treatment ng BI personnel kapag dumarating sa paliparan ng bansa, kapalit nito ay ang pakimkim o halagang 10 libong pisong nakabilot sa papel na tila pastillas.

Facebook Comments