Simula sa susunod na buwan, bawal na muna mag-leave of absence ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga international airports sa buong bansa.
Layon nito na matiyak na may sapat silang mga immigration officers na naka-duty para mag-asikaso sa mga pasahero ngayong Christmas season.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, epektibo ang ban sa paghahain ng aplikasyon para sa vacation leave ng kanilang mga tauhan sa airport mula December 1 hanggang January 15, 2021.
Kumpiyansa naman ang BI na maliit na bilang lamang ang mga pasaherong dadagsa ngayon sa mga paliparan sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Bukod dito, marami pa rin aniyang mga bansa ang nagpapatupad pa rin ngayon ng mahigpit na travel restrictions.
Ayon naman kay BI Port Operations Division Chief Atty. Candy Tan, applicable ang ban sa paghahain ng leave sa lahat ng immigration personnel sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) gayundin sa mga airports sa Mactan, Cebu at Clark, Pampanga, Kalibo, Iloilo, Davao, Laoag at Zamboanga International Seaport.