UP Diliman, dumipensa sa pahayag ni Pangulong Duterte na recruiter sila ng CPP-NPA

974

Ipinahayag ng pamunuan ng University of the Philippines (UP) Diliman Campus na hindi bahagi ng mission ng pamantasan na mag-recruit ng mga estudyante para gawing miyembro ng grupong kaaway ng pamahalaan.

Ito ang tugon ni UP Vice President for Public Affairs Dr. Elena Pernia sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong recruitment sa kanilang mga estudyante para maging bahagi ng Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA).


Ayon kay Pernia, dapat ay makita ng Pangulo ang malaking kontribusyon ng UP sa lipunan at hindi sa iilang mag-aaral na may ibang paniniwala.

Kung titingnan ang kasalukuyang pamahalaan, marami ang mga alumni ng UP ang kasama ngayon ng Pangulo sa paglilingkod sa bansa.

Inihalintulad niya si Presidential Spokesman Harry Roque at mga mambabatas na nasa Senado at Kamara na pawang mga bunga ng UP.

Itinanggi rin ni Pernia na nagmula sa pamunuan ng UP ang panawagang academic break.




Ito aniya ay nanggaling lamang sa mga militanteng grupo na hindi naman kumakatawan sa buong eskwelahan.

Nagkaroon lamang umano ng recovery break para sa linggong ito ang UP bilang pakikiisa sa pagbangon ng mga nasalanta ng kalamidad.

Hindi rin galing sa pamunuan ng UP ang academic break kundi isang flexible arrangement sa mga estudyante upang makapagsumite ang mga ito ng requirements para sa kasalukuyang semestre.

Facebook Comments