Muling umapela ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra tigdas at polio simula ngayong araw, October 26.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, umaasa sila na bibisita ang ma magulang sa kanilang local health centers at makiisa sa Measles, Rubella at Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity.
Hinihikayat ni Duque ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak na may edad 5-taong gulang pababa sa kanilang Health Center, Barangay Health Stations o temporary vaccination post.
Layunin ng programa na mapigilan ang pagkalat ng mga sakit at paglaganap nito sa bansa.
Mayroong two phases ang immunization campaign, ang mga batang may edad siyam hanggang 59 buwang gulang ay bibigyan ng Measles-Rubella vaccine, habang Oral Polio Vaccine ay ibibigay sa mga may edad zero hanggang 59 months old.
Ang Phase 1 ng vaccination drive ay mula October 26 hanggang November 25 sa Mindanao, Cordillera Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, MIMAROPA at Bicol Region.
Ang Phase 2 ay isasagawa sa February 2021 sa Visayas, National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON.