Impact ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya, ipinasisilip ng Senado

Ipinabubusisi ni Senator Win Gatchalian sa Senado ang naging ‘impact’ o epekto ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa COVID-19 pandemic at ang ‘recovery mechanism’ para sa pagbangon ng basic education sector.

Sa Senate Resolution No. 11 ni Gatchalian ay layunin nito na malaman ang naging epekto sa mga mag-aaral ng pagsasara ng mga eskwelahan upang sa gayon ay matugunan ang mga gaps mga isyu at mga hamon sa pagpapatupad ng mga programa ng Department of Education (DepEd).

Naniniwala si Gatchalian na para matiyak ang pagpapanumbalik sa sektor ng edukasyon ay dapat na maunawaan ang pinsalang idinulot ng COVID-19 pandemic sa pagkatuto ng mga estudyante.


Layon din ng pagsisiyasat na magpatupad ng mga hakbang upang hindi mapag-iwanan ang mga mag-aaral sa kanilang edukasyon ngayong magbabalik na sa mga paaralan ang mga estudyante.

Tinukoy sa resolusyon na mas lalong napalala ng pandemya ang noon pang ‘poor performance’ ng mga mag-aaral bago pa man ang pandemya.

Kung patuloy aniya ang pagkaantala ng COVID-19 sa edukasyon ay tiyak na magdudulot ito ng matinding pinsala sa mga mag-aaral tulad ng pagkawala ng basic numeracy at literacy skills, dagok sa mental health, kakulangan ng sapat na nutrisyon at mas mataas na panganib na dumanas ng pang-aabuso.

Facebook Comments