Manila, Philippines – Naniniwala si Supreme Court Associate Justice Noel Tijam na mali ang naibigay na advice kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay kaugnay ng pagmamatigas ni Sereno na hindi tutugon sa imbitasyon ng Justice Committee na humarap ito sa imbestigasyon.
Dapat aniyang humarap si Sereno sa pagdinig dahil ang hindi nito pagharap sa komite ay nagpapakita ng contempt sa Justice Committee na nagsasakatuparan ng constitutional process.
Napuna din ni Justice Tijam ang pagwa-walk out noon ng mga abogado ni Sereno sa komite nang hindi payagan na katawanin nila ang Chief Justice.
Giit ni Tijam, nagbibigay ito ng maling halimbawa sa mata ng publiko.
Sinita din ni Tijam, ang kabagalan ng pagproseso sa survivorship para sa mga naiwan ng mga namayapang Justices at Judges.
Aniya, hindi naman dapat ito inaabot ng dalawang taon dahil hindi naman mabagal ang en banc kung ito ay isinangguni na noon pa ni Sereno.
Samantala, walang naisumiteng SALN records ni Sereno ang UP at JBC.
Batay sa record ng UP, walang SALN si Sereno mula 200, 2001, 2003, 2004, 2005 at 2006 kung saan naka-official leave ito.
Ang taong 2002 lamang ang may naisumiteng SALN si Sereno.
Samantala, sa Judicial and Bar Council magpapasa pa muna ng resolusyon para sa pagbibigay ng SALN records na siyang aaprubahan pa muna ng council.