IMPEACHMENT CASE | Mga kundisyon sa oral arguments sa quo warranto petition vs Sereno, inamyendahan ng Korte Suprema

Manila, Philippines – Inamyendahan ng Korte Suprema ang inilabas nitong advisory kaugnay ng gagawing oral arguments sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kasunod ito ng pag-alma ni Sereno sa isa sa mga kundisyong inilatag ng Korte Suprema sa pagpapatawag ng oral arguments.

Sa manifestation na inihain ng kampo ni Sereno, tinutulan nito ang bahagi ng kundisyong nagsasabing kinikilala niya ang hurisdiksyon ng Korte Suprema na desisyunan ang petisyon.


Naninindigan kasi si Sereno na walang hurisdiksyon ang hukuman sa kaso kaya dapat lamang nitong ibasura ang petisyon.

Sa inihaing petisyon ng Office of the Solicitor General, hinihiling nito na ipawalang- bisa ang pagkakatalaga kay Sereno bilang punong mahistrado.

Mabilis namang tumugon ang Korte Suprema at sa ipinalabas nitong amended advisory, inalis na ang bahagi ng kundisyon na tinututulan ni Sereno.

Nakasaad sa advisory na kung mabibigo si Sereno na makadalo ay kakanselahin ng Korte Suprema ang itinakda nitong oral arguments.

Facebook Comments