Manila, Philippines – Sa kabila ng pagsita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga gustong magpa-impeach kay Vice President Leni Robredo, tuloy pa rin ang pagkalap ng ebidensya ng isang grupong laban kay Robredo na binubuo ng ilang abogado at propesor.
Ayon kay Atty. Bruce Rivera, isa sa mga nagsusulong ng impeachment complaint — matagal na silang nanahimik sa mga isyu laban sa Bise Presidente kaya hindi na nila mapapalampas ang videotaped report nito sa United Nations Commission on Narcotic Drugs.
Maliban dito may iba pa silang dahilan para ipa-impeach si Robredo at ito ay ang betrayal of public trust at culpable violation of the constitution.
Dagdag pa ng mga ito, sa pagbubukas ng Kongreso sa Mayo plano nilang ipa-endorso ang kanilang impeachment complaint sa mga Kongresista.
Ayon naman kay House Speaker Pantaleon Alvarez, kapag may naghain ng impeachment complaint sa Kamara — ay wala silang magagawa kundi aksyunan ito.
Kasabay nito ay nilinaw ng grupo na kahit mga taga-suporta sila ni Pangulong Duterte ay walang kinalaman dito ang pangulo.
Samantala, hindi naman nagpatinag si Robredo sa kabila ng bantang impeachment laban sa kanya.
Ayon sa Bise Presidente, alam naman niya ang kaliwa’t kanang batikos na inani niya dahil sa ipinadala niyang video message sa United Nations.
Giit pa nito, walang mali sa kanyang ginawa at pawang katotohanan lang ang sinabi niya sa video message.
Facebook Comments