Manila, Philippines – Hinihikayat ngayon ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe ang mga mambabatas na isantabi na muna ang usapin ng impeachment complaint.
Ito ay kaugnay sa reklamong pagpapatalsik na inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Pangulong Rodrigo Duterte at ang planong paghahain ng impeachment complaint ni Speaker Pantaleon Alvarez laban naman kay VP Leni Robredo.
Iginiit ni Batocabe na magkaroon ng moratorium sa impeachment dahil gulo lamang ang dulot nito sa buong bansa.
Ayon kay Batocabe, highly divisive ito na lalong nagpapalala ng pagkakahiwa-hiwalalay dahil sa away politika.
Kung hindi aniya magagawa ang tamang proseso sa impeachment ay malalagay sa kahihiyan ang buong institusyon.
Hindi anya dapat na pinag-i-eksperimentuhan ang impeachment dahil mabigat ang implikasyon nito sa bansa.
Pakiusap din ng kongresista sa kampo ng Pangulo at ng Pangalawang Pangulo, huwag masyadong balat sibuyas sa mga kritisismo bagkus ay hayaang magkaroon ng debate, patutsadahan at mga akusasyon nang hindi kailangang mauwi sa impeachment.