Manila, Philippines – Naipasa na sa tanggapan ng House Committee on Justice ang mga inihaing impeachment complaints laban kina Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno at COMELEC Chairman Andres Bautista.
Napag-alaman na agad napasakamay ito ng komite matapos na ipasa ng tanggapan ni Speaker Pantaleon Alvarez sa rules committee ang mga complaint para maisama sa order of business.
Itinakda naman ni Justice Committee Chairman Rey Umali ang unang impeachment hearing sa Setyembre 13, araw ng Miyerkules.
Sinabi ni Umali na uunahin nilang isalang sa pagdinig ay ang dalawang impeachment complaint laban kay Sereno na inihain nina Atty. Larry Gadon, Volunteers Against Crime and Corruption at Vanguard of the Philippine Constitution.
Isusunod naman agad ang pagdinig sa reklamo laban kay Bautista pero wala pang itinakdang petsa para dito.
Hindi pa naman obligadong humarap si Sereno pero kailangang maipakita ng mga complainant at endorsers sa komite na sufficient in form at substance ang mga isinampang reklamo.