
Hinikayat ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Committee on Justice na madaliin ang pagpapalabas ng resolusyon kaugnay sa mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte upang mas matutukan ng Kamara ang mas mahahalagang problema ng bansa.
Ang hirit ni Tiangco ay nakapaloob sa inihain niyang House Resolution No. 984, kung saan binigyang-diin niya na mas maraming isyu ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga kongresista, partikular ang epekto ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Kabilang sa tinukoy ni Tiangco na mga problemang dapat bigyang-priyoridad ang tumataas na presyo ng produktong petrolyo, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.
Dagdag pa rito, lumalaki rin ang gastos sa transportasyon habang nananatiling mababa ang sahod.
Ayon kay Tiangco, hindi magandang isipin ng taumbayan na habang sila ay naghihirap ay walang inaatupag ang mga politiko kundi ang away sa politika.










