Tuesday, April 14, 2026

Impeachment Proceedings Ngayong Araw, Maglalantad Ng Mga Resibo, Ebidensya At Katotohanan

“All systems go” na ayon kay House Committee on Public Accounts Chairperson at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon para sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings ngayong araw sa House Committee on Justice.

Ayon kay Ridon, mahalaga ang pagdinig na magsisimula alas-10 ng umaga dahil inaasahang maglalantad ito ng mga resibo, ebidensya at katotohanan kaugnay sa mga alegasyong nakapaloob sa dalawang impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa mga haharap sa komite ay sina Ramil Madriaga na sinasabing dating bagman ni VP Sara; Atty. Cynthia Viñas-Pantonal na nagnotaryo sa affidavit ni Madriaga; mga personnel mula sa House Legislative Archives; Securities and Exchange Commission Chairperson Atty. Francis Edralin Lim; Philippine Statistics Authority Chief Claire Dennis Mapa; at mga opisyal mula sa Commission on Audit, Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue, at National Bureau of Investigation.

Samantala, nilinaw ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na hindi layunin ng pagdinig na tukuyin kung inosente o guilty ang bise presidente, kundi alamin kung may sapat na ebidensya na susuporta sa mga alegasyon.

Dagdag pa ni Adiong, nagbibigay rin ang impeachment proceedings ng pagkakataon kay VP Sara na sagutin ang mga reklamong inihain laban sa kanya.

Facebook Comments