Thursday, July 23, 2026

Impeachment trial ni VPSD, hindi inaasahang mababanggit sa SONA sa Lunes

Hindi umaasa si Senate President Win Gatchalian na kasama sa babanggitin ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang tungkol sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Gatchalian, mas inaasahan niyang mababanggit sa SONA ng Pangulo ang tungkol sa pagpapasigla ng ekonomiya upang makabalik na sa dati ang lagay ng bansa at ang mga nakalatag na plano para hindi na maulit ang korapsyon na nangyari sa flood control issue.

Paliwanag ng Senate president, ang impeachment trial ay itinuturing na “purely function” at “constitutional responsibility” ng Senado kaya hindi siya nag-e-expect na pag-uusapan ito sa SONA.

Sinabi ni Gatchalian na maraming hamon ang kinaharap ng bansa ngayong taon lalo’t bumaba ang economic growth ng bansa mula sa original projection na 5 to 6%, sa 3.5 to 4.5% na nakaapekto sa pagbaba ng antas sa kahirapan at sa trabaho ng mga kababayan.

Dagdag pa sa nais marinig ni Gatchalian bukod sa pagpapanagot sa mga sangkot sa katiwalian ay kung anong mga reporma ang inilatag ng Department Of Public Works And Highways (DPWH) at iba pang ahensya upang hindi na maulit ang isa sa pinakamalaking katiwalian sa bansa.

Facebook Comments