Friday, November 27, 2026

Resulta ng autopsy sa bangkay ng driver ng sasakyang bumaksak mula sa ika-4 na palapag ng gusali sa Makati, inaabangan ng SPD para malaman ang kondisyon nito

Inaantabayanan na ng Southern Police District (SPD) ang autopsy ng driver ng sasakyang bumagsak sa ika-apat na palapag ng gusali sa Jimenez Street sa Barangay San Lorenzo, Makati City, 11:46 ng umaga kahapon.

Ayon kay Police Lieutenant Margaret Panaga, Officer-in-Charge ng SPD Public Information Office, mahalaga ang resulta ng autopsy para makatulong sa pagtukoy sa kondisyon ng biktima bago ang insidente.

Nakikipag-ugnayan na rin ang Philippine National Police (PNP) sa pamilya ng 55 anyos na driver para malaman kung mayroon ba itong iniindang sakit bago ang insidente.

Nakikipagtulungan na rin ang pamunuan ng gusali sa imbestigasyon, kabilang ang pagsusuri sa loob ng gusali at iba pang posibleng ebidensiya.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, binabagtas ng sasakyan ang pababang driveway mula sa ika-limang palapag nang mawalan umano ng kontrol ang driver.

Tumama ang kaliwang harapang bahagi ng sasakyan sa isang bakal na bollard o harang, ngunit hindi ito nakapigil sa sasakyan na tuluyang bumagsak mula sa gusali.

Inaalam din ng mga awtoridad kung mabilis ang takbo ng sasakyan nang mangyari ang insidente.

Wala namang ibang sasakyan o tao ang nadamay sa ibaba.

Kasama rin sa iniimbestigahan ng pulisya ang disenyo ng driveway upang matukoy kung may naging kontribusyon ito sa aksidente.

Facebook Comments