Saturday, February 14, 2026

Implementasyon ng “Animal Welfare Act,” pinapaimbestigahan sa Kamara

Inihain ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima ang House Resolution No. 687 na humihiling sa kaukulang komite sa Kamara na silipin ang implementasyon ng Animal Welfare Act.

Ang hakbang ni De Lima ay kasunod ng napaulat na pagmamalupit sa mga hayop, tulad ng nag-viral kamakailan na insidente ng isang kabayo na nakatali sa isang tumatakbong sasakyan, gayundin ang pagpatay sa isang tatlong taong gulang na golden retriever sa Camarines Sur.

Ayon kay De Lima, ang magiging resulta ng pagdinig ng Kamara ay magsisilbing basehan sa pagbalangkas ng panukalang batas upang mapalakas ang mekanismo at paglalaan ng pondo sa mga programa para sa kapakanan ng mga hayop.

Paalala ni De Lima, walang sapat na rason para pagmalupitan ang mga hayop, lalo na ang ating mga alaga na hindi dapat pinapabayaan, kinakaligtaan, o tinatrato nang mali.

Facebook Comments