Malaking hamon para sa implementasyon ng Anti-Terrorism Law ang nangyaring twin-bombing incident sa Jolo, Sulu.
Ayon kay House Deputy Speaker Mujiv Hataman, masusubok ng nangyaring insidente ang batas laban sa mga terorista ngunit umaasa silang hindi ito maaabuso tulad ng ibinabala nila noon na posibleng mauwi ito sa indiscriminate arrest at paglabag sa karapatang pantao.
Kasabay ng pagkondena ay hinimok ng kongresista ang mga otoridad na imbestigahang mabuti at bigyang hustisya sa lalong madaling panahon ang pagkamatay ng mga sundalo, pulis at sibilyan.
Saludo naman si Hataman sa mga pulis at sundalo na kahit batid nilang delikado sa Sulu ay pinili pa ring doon magpadestino para tumulong sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at pagbabalik sa normal ng buhay ng mga residente doon.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang kongresista sa mga kaanak ng mga nasawi at nakakalungkot din aniya na nadamay ang mga sibilyan na nagkataong nasa maling oras at lugar ng maganap ang trahedya.