Magsasagawa ang mababang kapulungan ng Kongreso sa susunod na taon ng imbestigasyon kaugnay sa pagpapatupad ng diskwento ng mga establisyimento para sa mga atleta ng bansa.
Ito ay kasunod ng tweet ng wushu star at 30th Southeast Asian Games Gold Medalist na si Agatha Wong kaugnay sa hindi pagsunod ng mga establishments sa implementasyon ng RA 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act kung saan tulad sa mga senior citizens at pwds ay otomatikong may 20% discount ang mga nanalo sa international competitions sa mga establisyimento.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, ikinalungkot niya ang insidente na marami sa mga restaurants, hotels, theaters, movie houses at iba pang establishments ang hindi nalalaman ang pagbibigay ng 20% discount sa mga nanalong atleta ng bansa.
Pinag-aaralan na ang pagsasagawa ng oversight committee hearing dito kung saan ipapatawag ang Philippine Sports Commission (PSC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI) at mga lgus at iba pang kaukulang ahensya para malaman kung saan nagkulang at marami ang hindi nakakaalam sa nasabing benepisyo.
Paliwanag ni Cayetano, kapag kumukuha ng mga permits ang isang establisyimento ay dapat naipapaalam na agad ang mga sektor na dapat mabigyan ng diskwento.
May mga iniisyu ding id ang PSC para sa mga nanalong atleta na patunay para sa pagkuha nila ng discount sa mga serbisyo.